Nagsagawa ng dalawang araw na Wildlife Enforcement Officer (WEO) Deputation Training ang pamahalaang panlalawigan ng Cotabato katuwang ang Philippine Eagle Foundation sa mga personahe ng City/Municipal Environment and Natural Resources Offices (C/MENRO), Cotabato Police Provincial Office (CPPO), Bureau of Fire Protection (BFP)-Cotabato, Abanteros at Veterinary Quarantine Checkpoint staff.
Sila ay magiging katuwang ng kapitolyo sa pagpapatupad ng mga batas at pagsugpo sa mga ilegal na aktibidad laban sa wildlife sa sandaling mabigyan ng awtorisasyon mula Deparrment of Environment and Natural Resources.
Sa pormal na pagbubukas ng aktibidad nitong Huwebes, Oktubre 22, 2026 naging kinatawan ni Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza sa aktibidad sina Vice Governor Rochella Marie Taliño Taray at Board Member Ryl John Caoagdan na parehong nananawagan na palakasin ang law enforcement at paigtingin ang pangangalaga sa mga wildlife species at kanilang natural na tirahan.
Bahagi rin ng pagsasanay ang exposure trip sa Philippine Eagle Foundation sa Brgy. Calinan, Davao City kasama si Provincial Advisory Council Member Rene Villarico at ilang kawani mula sa Interim-PENRO ng Office of the Provincial Agriculturist , kung saan tinuruan ang mga kalahok ng mga protocol and proper handling ng Philippine Eagle.
Kabilang din sa mga tinalakay sa training ang Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act, Presidential Decree No. 705 o Revised Forestry Code of the Philippines, at ang mga tungkulin at responsibilidad ng mga WEO.





