Kasalukuyang nagsasagawa ang Department of Agriculture – Regional Field Office XII ng pagsasanay upang palakasin ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan sa SOCCSKSARGEN sa paghahanda at pagsusuri ng mga feasibility study at business proposal para sa FY 2028-2030 Three-Year Rolling Investment Program (TRIP). Isinasagawa ang aktibidad mula Oktubre 19 hanggang 23, 2026, sa General Santos City.
Para sa mga magsasaka, mangingisda, at iba pang sektor sa kanayunan, nakatutulong ang ganitong pagsusuri sa pagpaplano ng mga proyektong tumutugon sa mga pangangailangan sa produksyon, imprastraktura, at serbisyong pang-agrikultura.
Kabilang sa pagsasanay ang paghahanda ng business proposal at feasibility study, gayundin ang praktikal na paggamit ng ByTex software para sa pangangalap ng datos, pagbuo ng project profile, at pagsusuri sa kakayahang maisakatuparan ang proyekto.
“Layunin nating mapalakas ang kakayahan ng mga LGU na maghanda ng mga panukalang may sapat na datos at makatwirang
gastos upang higit na matiyak na ang mga ito ay naaayon sa pangangailangan ng ating komunidad,” ani Ms. Joy Misterio, Agricultural Program Coordinating Officer SarGen ng DA-RFO XII.
Inaasahang magsisilbing gabay ang mga natutuhan sa workshop sa paghahanda ng masusing panukalang proyekto para sa FY 2028–2030 TRIP, na naglalayong maiugnay ang mga prayoridad sa pamumuhunan sa mga pangangailangan ng mga lokal na komunidad.(Agri Tayo Soccsksargen)






