Mga lider ng BARMM ihiyag na ang buong suporta sa coalition government

COTABATO CITY—- Pormal nang inanunsyo ni BARMM Chief Minister Abdulraof A. Macacua kasama ang mga gobernador ng rehiyon ang pagbuo ng isang koalisyong pamahalaan matapos lumagda ang 46 na nahalal na Miyembro ng Parlamento (Members of Parliament) sa BARMM Government Coalition Document. Ang naturang kasunduan ay pormal na nilagdaan sa Lungsod ng Davao noong Oktubre 12, 2026.

Binigyang-diin sa opisyal na pahayag na pinangunahan ng Bangsamoro Federalist Party (BFP) ang koalisyong ito, na binubuo ng iba’t ibang partidong politikal, lalawigan, grupong etnolingguwistiko, at mga rebolusyonaryong organisasyon na nagkaisa sa ilalim ng iisang pananaw para sa buong Bangsamoro. Ayon sa mga lider, ang mayoryang ito ang pormal na bubuo sa “Government of the Day”.

Ang pormal na pagtatag ng Government of the Day ay magaganap kasabay ng pagpili ng Chief Minister sa gaganaping inaugural session ng mga nahalal na Miyembro ng Parlamento sa Oktubre 30, 2026, alinsunod sa itinatadhana ng batas. Nanawagan ang pamunuan sa lahat ng lider at institusyon ng Bangsamoro na igalang ang mandato ng taumbayan at ang nararapat na proseso ng parlamentaryong demokrasya.

Nagpahayag din ng matibay na suporta at lumagda sa dokumento ang mga pangunahing gobernador ng rehiyon:

  • Hon. Mamintal Alonto Adiong, Jr. – Gobernador ng Lanao del Sur
  • Hon. Datu Tucao O. Mastura – Gobernador ng Maguindanao del Norte
  • Hon. Datu Ali Midtimbang – Gobernador ng Maguindanao del Sur
  • Hon. Mujiv S. Hataman – Gobernador ng Basilan
  • Hon. Yshmael “Mang” I. Sali – Gobernador ng Tawi-Tawi

Ipinagpapasalamat din ng pamunuan ang patuloy na paggalang ng pambansang pamahalaan sa mga institusyon at proseso ng BARMM. Tiniyak ng koalisyon na ang kanilang pamamahala ay magiging inklusibo, nagkakaisa, at nakatutok sa paglilingkod sa bawat komunidad, lalawigan, at sektor sa buong rehiyon nang walang kinikilingan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here