NCIP iginawad na ang CADT sa Teduray-Lambangian matapos ang 21 na taon

Iginawad sa mga Teduray at Lambangian Indigenous Cultural Communities/Indigenous Peoples (ICCs/IPs) ang Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) para sa kanilang Fusaka Ingëd o ancestral domain sa Maguindanao at Sultan Kudarat, matapos ang 21 taong paghihintay mula nang ihain ang kanilang aplikasyon noong 2005.

Ginanap ang seremonya ngayong Oktubre 22, 2026, sa School of Living Tradition sa Nuro, Upi, Maguindanao del Norte. Ang paggawad ay bunga ng patuloy na pagsisikap ng mga pamayanan mula nang ihain ang kanilang aplikasyon noong 2005.
Pinangunahan ni Ministry of Indigenous Peoples Affairs (MIPA) Minister Guiamal Abdulrahman ang aktibidad, kasama sina Deputy Minister Timuay Rene Batitao, Ancestral Domain Bureau Director Micheal Garrigues, at Ancestral Domain Division Chief Benito Algan Jr.

Nakibahagi sa seremonya si National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Secretary Nancy A. Catamco kasama ang mga kawani ng NCIP Region XII. Dumalo rin sina Dr. Ferdinand Buscato, Deputy Head ng Field Operations Support Office ng OPAPRU; South Upi Mayor Helen Benito-Padua; Provincial IPMR Gaspar Mocela; at Timuay Allan Olubalang.

Ang paggawad ng CADT ay mahalagang hakbang sa pormal na pagkilala sa karapatan ng mga Teduray at Lambangian sa kanilang lupang ninuno, na kaugnay ng kanilang pagkakakilanlan, kultura, kabuhayan, at sariling pamamahala.

Kinikilala ng NCIP ang papel ng MIPA sa pagsusulong ng karapatan at kapakanan ng mga Non-Moro Indigenous Peoples sa Bangsamoro, gayundin ang patuloy na paninindigan ng mga lider, kabilang si Timuay Alim Bandara, at ng mga pamayanang Teduray at Lambangian.

Patuloy na makikipagtulungan ang NCIP sa MIPA at iba pang kinauukulang institusyon, alinsunod sa kani-kanilang mandato, upang pangalagaan ang mga karapatan ng ICCs/IPs at ang kanilang lupang ninuno para sa kasalukuyan at susunod na mga henerasyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here