Maguindanao del Sur PPO, nagsagawa ng diayalogo sa mga kasapi ng MILF at MNLF

Photo: Maguindanao Del Sur Police Provincial Office

Higit isang daang mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) ang dumalo sa isang diyalogo na pinangunahan ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office kahapon, Oktobre 25, upang palakasin ang pagkakaisa at pagtutulungan para sa kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.

Sinabi Maguindanao del Sur Police Director Col. Michael John Mangahis na nasa 30 mga commanders at isang daang mga kasapi nito ang dumalo sa diyalogo.

Tinalakay sa pagpupulong ang pagkakaisa sa hanay, mahigpit na pagpapatupad ng mga panuntunang disiplinaryo, at mga usapin kaugnay ng kasunduang pangkapayapaan.

Binanggit din ang bagong direksyon ng Pamahalaang BARMM, na nakatuon sa pangunahing serbisyong panlipunan, mga programang nakasentro sa kabataan, at mga inisyatiba upang maiangat ang antas ng pamumuhay sa mga lokal na komunidad.

Isa sa mga pangunahing paksa ang pagtugon sa mga elementong lumalabag sa batas at ang matatag na paninindigan na tuluyang puksain ang mga banta sa kapayapaan at kaayusan.

Binigyang-diin ni Mangahis na ang pakikipag-ugnayan ng PNP at MILF/MNLF ay hindi lamang simbolo kundi kongkretong patunay ng mas matibay na pagkakaibigan at pagkakaisa sa aksyon. Kanyang binigyang-diin na ang pangmatagalang kapayapaan ay makakamtan lamang sa pamamagitan ng sinseridad, disiplina, at kolektibong pananagutan.

Ang pagtitipong ito ay nagsisilbing makapangyarihang katiyakan para sa mamamayan ng Maguindanao del Sur: na ang kanilang mga pinuno, katuwang sa kapayapaan, at mga tagapagpatupad ng batas ay nagkakaisa sa pagbuo ng mas ligtas na mga pamayanan, pagsusulong ng panlipunang kaunlaran, at pagpapanatili ng pamamayani ng batas.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here