Isang tagumpay para sa pamahalaang panlalawigan ng Cotabato ang pagtaas ng produksyon ng palay sa probinsya batay sa pinakabagong datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Lunes, Setyembre 21, 2026.
Sa limang pahinang special release ng PSA, abot 10.45% o katumbas ng 209, 456 metric tons (mt) ang naitalang produksyon ng Cotabato province sa 1st semestre ng 2026 kumpara sa 189,647mt ng kaparehong panahon noong 2025.
Ang naturang pagtaas ay iniuugnay sa pagsisikap ng kapitolyo na ipatupad ang mga programa katuwang ang National Rice Program ng Department of Agriculture na siyang nagbibigay ng dekalidad na hybrid seeds, fertilizers at ameliorants, at insecticides, kasama ang Philippine Rice Research Institute (PhilRice) na nagpalakas sa implementasyon ng Cotabato Rice Revolution Program (CRRP), na nagkakaloob ng abono sa ilalim ng 2-2-2 scheme mula sa kapitolyo at 15 LGUs na nakiisa sa programa. Parte rin sa pagsisikap ang National Irrigation Administration (NIA), na tumitiyak sa sapat na tubig sa mga sakahan at Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech), na namamahagi ng makabagong makinaryang pang-agrikultura. 
Sa datos ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg), mula Nobyembre 2024 hanggang unang semestre ng 2026, nakapamahagi ang OPAg, sa ilalim ng CRRP, ng 26,376 bag ng abono na ginamit sa kabuuang 13,188 ektaryang sakahan. Sa comparative report ng opisina, bago ipatupad ang CRRP, ang mga nabanggit na sakahan ay may average yield na 4.73mt kada ektarya para sa inbred at 5.57mt kada ektarya para sa hybrid. Sa panahon ng implementasyon ng programa, tumaas ang average yield sa 5.60mt per hectare para sa inbred at 7.75mt naman para sa hybrid.
Ayon kay Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza, ang pagtaas ng produksyon ng palay sa probinsya ay bunga ng sama-samang pagkilos ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga magsasaka, kabilang ang pagkakaroon ng dekalidad na planting materials at sapat na abono. Binigyang-diin niya ang malaking naitulong ng CRRP na itinaguyod ng probinsya, partikular sa pagpapataas ng ani ng mga magsasakang nakinabang sa programa. (IDCD Cotabato Province)






