Gov. Mendoza ipinag-utos ang pag buo ng inter-agency task force laban sa wildlife threats

Ipinag-utos ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza sa ilang opisina ng kapitolyo kasama ang Cotabato Police Provincial Office (CPPO) at Department of Environment and Natural Resources sa pagbuo ng inter-agency task force na siyang sisiguro na maayos na naipapatupad sa lalawigan ang Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001.

Napaulat rin na handang magbigay ng pabuya ang gobernador sa sinumang makapagturo kung sino man ang nasa likod ng pamamaril ng mga agila sa Arakan at Magpet.

Ito ay matapos maitala ang nakakabahalang kaso ng pagkamatay ng Philippine Eagle sa bayan ng Arakan na nakuryente na kalaunay nadiskubreng may dalawang tama ng air-gun pellets batay sa isinagawang necropsy ng awtoridad. Isa ring kaso sa bayan ng Magpet ang naitala kung saan nasagip ang isa pang Philippine Eagle na may tatlong tama ng air-gun pellets at kasalukuyang nagpapagaling sa isang veterinary clinic sa Davao City.

Ayon kay Gov. Taliño-Mendoza, mahalagang maipabatid sa publiko na may kaukulang kaparusahan sa ilalim ng batas ang sinumang indibidwal na nagdudulot ng direktang banta o pinsala sa mga wildlife o hayop sa kagubatan.

Batay sa Seksyon 27 at 28 ng RA 9147, may iba’t ibang parusa para sa mga paglabag laban sa wildlife. Ang pinakamabigat ay ang pagpatay at pagsira ng wildlife species, na may parusang pagkakakulong ng anim na buwan hanggang 12 taon at multang P10,000 hanggang P1,000,000. Kasunod nito ang paggawa ng mga ipinagbabawal na gawain sa critical habitats na may parusang isang buwan hanggang walong taong pagkakakulong at multang P5,000 hanggang P5,000,000.

Samantala, ang pananakit na nagdudulot ng kapansanan o pumipinsala sa reproductive system ng wildlife ay may parusang isang buwan hanggang anim na taon at multang P5,000 hanggang P500,000.

Nitong Oktubre 7, 2026, ipinatawag ng gobernadora ang isang coordinative meeting na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa CPPO, DENR, Office of the Governor, Sangguniang Panlalawigan, Office of the Provincial Veterinarian, at Office of the Provincial Agriculturist, na kasalukuyang nagsisilbing Interim Provincial Environment and Natural Resources Officer (Interim PENRO).

Sa naturang pagpupulong, tinalakay ang mga hakbang upang mapalakas ang koordinasyon ng mga concerned offices at law enforcement agencies sa pagpapatupad ng RA 9147, kabilang ang pagbuo ng inter-agency task force na tututok sa pangangalaga at proteksyon sa wildlife resources sa lalawigan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here