Hiniling ngayon ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” Talińo-Mendoza sa mga law enforcers ang mas striktong pagpapatupad ng veterinary quarantine protocols sa mga provincial borders dahil sa mga naitalang kaso ng African Swine Fever sa mga kalapit na probinsya.
Ito ay kanyang inihayag sa isinagawang Provincial Peace and Order Council Executive Meeting ngayong ika-20 ng Hulyo 2026 na dinaluhan ng mga opisyal mula sa PNP, AFP, kinatawan mula sa League of the Municipalities, at iba pang stakeholders. Sa pagtitipon, kanyang binigyang-diin ang aktibong partisipasyon ng mga munisipyo,
barangay, law enforcers at mamamayan upang mapigilan ang muling pagpasok ng naturang sakit na maaaring makaapekto sa livestock farmers at food supply ng lalawigan.
Patuloy namang nananawagan ang gobernadora sa publiko, partikular na sa mga hog raisers, livestock traders, at transporters, na mahigpit na sundin ang umiiral na veterinary quarantine protocols, biosecurity measures at agad na iulat sa Office of the Provincial Veterinarian (OPVet) o sa kanilang barangay ang anumang kahina-hinalang pagkakasakit o biglaang pagkamatay ng mga baboy upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.






