Gov. Mendoza nagbabala sa mga kabataan, mga magulang na sangkot school bullying

Nagbabala ngayong Lunes Oktubre 5, 2026 si Cotabato Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza na maaring haharap sa imbestigasyon at kaukulang pananagutan ang mga kabataang sangkot sa bullying at school violence, kasama ang kanilang mga magulang at ang mga nagmamay-ari ng baril kung mapapatunayang may kapabayaan ang mga ito.

Nanawagan din ang gobernador sa mga kinauukulan kabilang na mga lokal na opisyales na agad tugunan at bigyan ng karampatang aksyon ang anumang insidenteng naglalagay ng panganib sa kapakanan, kaligtasan, at seguridad ng mga mag-aaral. Nagpaalala rin ito na hindi dapat basta-basta idaan sa areglo ang mga ganitong kaso, lalo na kung sangkot ang mga menor de edad.

Ang nasabing pahayag ay kasabay ng idinaos na flag raising ceremony sa kapitolyo, kung saan hinimok nito ang mga empleyadong magulang, lolo at lola, at ang lahat na may kapamilyang kabataan na ipaunawa sa kanila ang posibleng kahihinatnan ng masamang gawain, gayundin ang kahalagahan ng malasakit sa kapwa.

Aniya, sa halip na manahimik o magbulag-bulagan ang sinumang nakakasaksi ng bullying o school violence ay maaring makialam sa pamamagitan ng agarang paghingi ng tulong sa mga guro o school security. Sa huli, mariing ipinaabot ng gobernadora na walang lugar sa lalawigan ng Cotabato ang ano mang uri ng kasamaan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here