Bangsamoro Federalist Party, nakipagpulong kay PBBM matapos nakakuha ng solidong mayorya sa Parlyamento ng BARMM

Contributed photo

COTABATO CITY— Pormal nang inihayag ng Bangsamoro Federalist Party (BFP) na nakasiguro na sila ng solidong mayorya para sa papasok na Parlamento ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ito ay matapos pormal na magkasundo at lumagda sa isang koalisyon ang kabuuang 46 na Miyembro ng Parlamento (MP) kasama ang partido.

Ayon kay MILG-BARMM Minister Jordan Bayam kasama si Chief Minister Abdulraof Macacua sa katatapos lamang na pagpupulong kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malacañang upang talakayin ang mga update matapos ang halalan.

Sa kanilang pagbisita sa Palasyo, ikinatuwa nina Minister Bayam at Chief Minister Macacua na iulat sa Pangulo na handa na silang buuin ang kanilang Government of the Day upang simulan ang paglilingkod sa mamamayang Bangsamoro.

“Alhamdulillah! Sa positibong pag-unlad na ito, handa na tayong buuin ang ating Government of the Day at handang maglingkod sa ating mga kababayan,” pahayag ni Minister Bayam.

Kasama ring dumalo sa pagpupulong sa Malacañang sina Special Assistant to the President (SAP) Secretary Antonio F. Lagdameo Jr., gayundin ang mga pangunahing lider ng BFP na sina Gov. Mang Sali, Gov. Datu Ali Midtimbang, MP Atty. Naguib Sinarimbo, at MP Atty. Kitem Kadatuan Jr.

Sa gitna ng tagumpay na ito, nanawagan ang pamunuan ng BFP sa lahat ng mga partido pampulitika at iba’t ibang sektor sa rehiyon na magtulungan upang iangat at pagbutihin pa ang serbisyo sa buong Bangsamoro.

“Nanawagan tayo sa lahat ng partido at sektor na magtulungan at magsama-sama tayong sumulong sa paglilingkod sa Bangsamoro. Wabillahi Tawfiq Wal Hidaya,” dagdag pa ni Minister Bayam.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here