SOUTH COTABATO — Isang makahulugang araw ng pakikipag-dayalogo at paglilingkod-bayan ang isinagawa nina Maguindanao Del Sur Representative Esmael “Toto” Mangudadatu kasama si House Speaker Faustino ‘Bojie’ G. Dy III at iba pang mga mambabatas sa lalawigan ng South Cotabato.
Ayon kay Rep. Mangudadatu, naging sentro ng kanilang pagtitipon at malalim na talakayan ang mga pangunahing usapin na direktang nakaaapekto sa araw-araw na pamumuhay ng mga mamamayan.
Kabilang sa mga pangunahing tinutukan ang pagsusulong ng mas de-kalidad na edukasyon at pasilidad para sa mga kabataan, ang pagpapabuti ng mga serbisyong medikal at kalusugan sa rehiyon, ang pagtitiyak ng sapat at abot-kayang suplay ng enerhiya, pati na rin ang pagbalangkas ng mga mahahalagang panukalang batas na tutugon sa kapakanan ng taumbayan.
“Ang ganitong uri ng ugnayan ay patunay ng ating patuloy na pagkakaisa upang ihatid ang nararapat na serbisyo at kaunlaran sa ating mga kababayan,” pahayag ni Mangudadatu.
Ang nasabing pagtitipon ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na ilapit ang serbisyo publiko sa mga rehiyon at pakinggan nang direkta ang mga hinaing ng bawat komunidad.






