QUEZON CITY, Pilipinas — Nagpapalabas ng paalala ang Department of Science and Technology–Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) sa lahat ng ahensya ng gobyerno, mga sektor na sensitibo sa klima, at sa publiko na kasalukuyang aktibo ang isang Malakas na El Niño sa Tropical Pacific.
Batay sa mga modelo ng klima at pagsusuri ng mga eksperto, inaasahang lalakas ang penomenong ito at magiging “Very Strong” o Napakalakas na El Niño sa pagitan ng panahon ng Setyembre–Disyembre 2026 at magpapatuloy hanggang sa unang bahagi ng 2027.
Ang El Niño ay ang mainit na yugto ng El Niño-Southern Oscillation (ENSO), na kinatatangian ng hindi pangkaraniwang pag-init ng temperatura ng ibabaw ng dagat sa Central at Eastern Equatorial Pacific at mas malamig kaysa sa karaniwang temperatura ng karagatan sa Philippine Sea.
Bagaman karaniwang nagdudulot ang El Niño ng mas mataas na temperatura at kakulangan sa ulan sa malaking bahagi ng Pilipinas, binibigyang-diin ng DOST-PAGASA ang dalawang kritikal na salik:
Mga Panahon ng Tagtuyot (Dry Spells at Drought): Ang matagal na kakulangan sa ulan ay nagpapataas ng panganib ng malubhang tagtuyot na nakaaapekto sa agrikultura at nagdudulot ng kakulangan sa suplay ng tubig; nagbabanta ito sa seguridad sa pagkain, yamang-tubig, produksyon ng enerhiya, kalusugan ng publiko, at sa pangkalahatang ekonomiya.
Panandaliang Malakas na Pag-ulan: Sa kabila ng pangkalahatang tuyong kondisyon, ang umiiral na Southwest Monsoon (Habagat) at mga aktibong bagyo ay maaari pa ring magdala ng lokal at higit-sa-karaniwang dami ng ulan—partikular sa kanlurang bahagi ng Pilipinas.
Nanawagan si DOST Secretary Renato U. Solidum Jr. sa mga lokal na pamahalaan at mahahalagang sektor na magsagawa ng maagap at nakabatay sa datos na mga hakbang bago pa man maramdaman ang buong epekto ng nasabing pangyayari sa klima. “Dapat gamitin ang impormasyon tungkol sa klima bago pa man dumating ang krisis,” pahayag ni Secretary Solidum.
“Napakahalaga ng maagang pagsasaayos ng mga iskedyul sa pagsasaka at paghahanda ng mga komunidad, imprastraktura, at mahahalagang serbisyo. Nakabuo ang DOST-PAGASA ng mga lokal na pagtataya ng klima at ng CliMap, na nagbibigay-daan sa mga gumagamit na ma-access ang mga datos mula sa nakaraan at mga lokal na pagtataya hanggang sa antas ng munisipalidad upang suportahan ang pangmatagalang pag-aangkop.”
Muling tiniyak ni PAGASA Administrator Dr. Nathaniel V. Servando ang pangako ng ahensya sa patuloy na pagsubaybay at malinaw na komunikasyon sa publiko.
“Patuloy kaming makikipagtulungan nang mahigpit sa mga ahensya ng pambansa at lokal na pamahalaan upang matiyak na ang mga kritikal at nakabatay sa siyensyang pagtataya ay makararating agad sa mga komunidad,” pahayag ni Dr. Servando.
“Ang napapanahong mga babala ay magbibigay-daan sa mga awtoridad at mamamayan na magsagawa ng epektibong mga hakbang sa paghahanda at pagtugon.”
Papanatilihin ng DOST-PAGASA ang mahigpit na pagbabantay sa mga pag-unlad ng El Niño at maglalabas ng mga regular na update habang nagbabago ang mga kondisyon.
Ang lahat ng awtoridad at publiko ay mariing hinihimok na ipatupad agad ang mga estratehiya sa konserbasyon at pagpapagaan ng epekto. (DOST-PAGASA)






