Koronadal City- Personal na binisita ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, kasama ang iba pang kinatawan ng ahensya, ang mga estudyanteng nasugatan sa naganap na shooting incident sa Banga National High School na kasalukuyang naka-confine sa mga ospital sa Koronadal City.
Isinagawa ang pagbisita sa Dr. Arturo Pingoy Medical Center at Socomedics Medical Center upang kamustahin ang kalagayan ng mga estudyante at tiyakin ang patuloy na pagtugon ng ahensya sa kanilang pangangailangan habang nagpapagaling.
Bukod sa pinansyal na tulong na ipinagkaloob sa mga biktima, tiniyak din ni Secretary Gatchalian sa mga pamilya na sasagutin ng DSWD ang kanilang gastusin sa ospital upang hindi na maging dagdag na alalahanin ang mga bayarin habang patuloy na nagpapagaling ang mga estudyante.
Sa pamamagitan ng agarang pagtugon at personal na pagbisita ng kalihim, muling pinagtitibay ng DSWD ang pangako nitong maghatid ng maagap, angkop, at makataong serbisyo sa mga pamilyang nangangailangan, lalo na sa panahon ng krisis at hindi inaasahang mga pangyayari.






