Koalisyon ng BGC at UBJP, “fake news” ; Adiong suportado si ICM Macacua

COTABATO CITY—- Pinabulaanan ng Bangsamoro Federalist Party ang mga kumakalat na impormasyon kaugnay sa UBGC o hinggil sa umano’y bubuuing koalisyon sa pagitan ng BARMM Grand Coalition o BGC at United Bangsamoro Justice Party o UBJP matapos ang unang BARMM Parliamentary Elections nitong September 14.

Ipinapakalat umano sa social media ang mga ulat na umano’y magkakasanib ang BGC at UBJP upang bumuo ng bagong Government of the Day na mamumuno sa Bangsamoro sa susunod na limang taon.
Sa estado kasi ngayon na walang nag domina na partido, kailangan bumuo ng “coalition” upang makapag desisyon sino ang itatagang Chief Minister, Speaker at iba pang posisyon. Sa ilalim ng parliamentary system ng BARMM, kailangang makabuo ng mayorya sa 80-member Parliament upang makapaghalal ng Chief Minister. Kinakailangan ang hindi bababa sa 41 miyembro para sa majority.

Ang malinaw umano ngayon, nagpahayag na ng suporta kay Interim Chief Minister at Member of Parliament-elect Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua sina Lanao del Sur Governor Mamintal “Bombit” Adiong, secretary general ng BGC, Basilan Vice Governor Jim Hataman Salliman, at ilang lokal na opisyal mula sa kanilang mga lugar.

Si Adiong ay kabilang sa pamunuan ng BGC, habang ang Serbisyong Inklusibo-Alyansang Progresibo o SIAP, na kanyang pinamumunuan, ay nakakuha ng anim na district representative seats sa halalan. Sa opisyal na canvass, walong party-representative seats naman ang nakuha ng BGC.

Ayon sa pahayag ni Adiong, naniniwala siyang may posibilidad na muling mapili si Macacua bilang Chief Minister sa pamamagitan ng nominasyon at boto ng mga bagong halal na miyembro ng Parliament.

Samantala, sinabi naman ni Bangsamoro Federalist Party spokesperson at Cotabato City MP-elect Atty. Naguib Sinarimbo na nagsasagawa na ang kanilang partido ng exploratory talks sa iba pang mga nanalong partido para sa bubuuing governing coalition.

Sa estimate ng BFP, kapag nabuo ang coalition, posibleng aabot sila sa 56 na mga miembro na member of the parliament.

Batay sa opisyal na resulta, nakakuha ang BFP ng 16 party seats, habang 15 naman ang UBJP at 8 ang BGC. Mayroon ding 15 district seats ang BFP, 9 ang UBJP at 6 ang SIAP, bukod pa sa sectoral at iba pang kinatawan.

Dahil dito, kinakailangan pa rin ng mga partido na makipag-usap at bumuo ng mga alyansa upang maabot ang 41-seat majority bago mabuo ang bagong pamahalaang rehiyonal.
Samantala, ang 80 bagong halal na miyembro ng Parliament ay nakatakdang manungkulan simula October 30, 2026, kung kailan kabilang sa kanilang pangunahing gawain ang pagpili ng susunod na Chief Minister.
Sa ngayon, nananatiling usapin sa mga negosasyon ng mga partido kung anong magiging pinal na komposisyon ng majority coalition na bubuo sa Government of the Day.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here