CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte – Habang abala ang 6th Infantry (Kampilan) Division/Joint Task Force Central (6ID/JTFC) sa pagsasagawa ng election security operations para sa BARMM Elections, nagpapatuloy din ang lehitimong combat operations laban sa mga armadong miyembro ng communist terrorist group (CTG) upang matiyak ang seguridad ng mga komunidad at mamamayan.
Sa gitna ng mga operasyong ito, nakasagupa ang mga tropa ng 105th Infantry (SAIFULLAH) Battalion sa tinatayang sampung (10) armadong miyembro ng CTG sa Sitio Lebe, Barangay Tudok, T’boli, South Cotabato, bandang alas-8:20 ng umaga nitong Setyembre 14, 2026.
Ang mga tropa, na nasa ilalim ng operational control ng 603rd Infantry Brigade, ay nakasagupa sa mga miyembro ng Regional Operations Command, Far South Mindanao Region (ROC-FSMR), na pinamumunuan umano ni Barney Arnaez alyas “Macmac.” Tumagal ng humigit-kumulang sampung minuto ang unang engkuwentro bago umatras ang armadong grupo.
Sa isinagawang clearing at pursuit operations, nakarekober ang mga tropa ng isang 40mm grenade launcher, caliber .38 revolver, dalawang commercial radio, apat na keypad cellular phones, medical kit, at mga dokumento.
Dakong dapit-hapon, nagkaroon muli ng engkuwentro na nagresulta sa pagkarekober ng isang M16 rifle, anti-personnel mine, granada, apat na magazines, dalawang bandolier, commercial radio, binoculars, walong civilian bags, personal na kagamitan, at iba pang dokumento.
Pinuri ni Acting Commander ng 6ID/JTFC Brig. Gen. Ricky P. Bunayog ang mga tropa ng 105IB sa matagumpay na operasyon, na aniya ay malaking dagok sa armadong grupo. Binigyang-diin din niya ang maingat na pagsasagawa ng operasyon alinsunod sa karapatang pantao at sa mga umiiral na batas. “Malaking dagok ito sa armadong grupo at patunay ng husay, disiplina, at dedikasyon ng ating mga kasundaluhan. Pinupuri ko ang mga tropa ng 105IB sa matagumpay at maingat na operasyon, habang mahigpit na sinusunod ang karapatang pantao at umiiral na mga batas,” ani Brig. Gen. Bunayog.
Hinikayat din niya ang mga natitirang armadong miyembro ng grupo na talikuran na ang armadong pakikibaka at samantalahin ang pagkakataong makapagbalik-loob. “Bukas ang pamahalaan sa mga nais magbalik-loob. May pagkakataon kayong makauwi sa inyong mga pamilya at mamuhay nang walang takot o pangamba. Piliin ninyo ang kapayapaan at ang pagkakataong magsimulang muli,” dagdag niya.
Mananatiling katuwang ng mamamayan ang mga kasundaluhan sa pagpapanatili ng seguridad at pagtataguyod ng kapayapaan at kaunlaran sa mga komunidad.





