Dating Comelec chair Sheriff Abas, pinagpapaliwanag sa umano’y ‘vote-buying’

COTABATO CITY—- Nagpalabas ng show cause order ang Commission on Elections (Comelec) laban sa dati nitong Chairman na si Atty. Sheriff Abas, na ngayon ay tumatakbong district representative sa unang distrito ng Cotabato City para sa kauna-unahang BARMM Parliamentary elections kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa insidente ng bilihan ng boto.

Nagsimula ang aksyon ng ahensya matapos kumalat sa Facebook ang mga larawan ng sample ballot ni Abas na may nakaipit na pera. Dahil dito, binigyan ng Comelec ang dating opisyal ng 24 oras upang magsumite ng kanyang opisyal na paliwanag.

Mariin namang pinabulaanan ni Abas ang mga alegasyon sa pamamagitan din ng isang post sa social media, kung saan iginiit niyang paninira lamang ang naturang balita.
“Walang lugar ang fake news at paninira sa halalan,” pahayag ni Abas.

Ayon pa sa kanya, marapat lamang na idaan sa tamang proseso at iharap sa Comelec ang anumang sumbong sa halip na ikalat sa internet.

“Suriin ang source. I-verify ang impormasyon. Huwag magpakalat ng hindi kumpirmadong balita. Sa halalan, katotohanan at respeto ang pairalin,” giit pa ng dating Comelec chairman.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here