Pamamahay ng isang kandidato sa Lamitan pinaulanan ng bala, isa sugatan

LAMITAN CITY — Sinisiyasat ng mga awtoridad kung may kinalaman sa eleksyon ang naganap na pamamaril sa tapat ng bahay ng isang kandidato sa BARMM parliamentary election nitong Biyernes ng gabi, Setyembre 11, na ikinasugat ng manugang nitong negosyante.

Kinilala ang biktima na si Halid Dompol Mujanil, 34, residente ng Sitio Riverside, Barangay Matibay.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente bandang alas-7:20 ng gabi habang si Mujanil ay nasa labas ng gate at nakikipag-usap sa cellphone. Bigla umanong huminto ang mga suspek na nakasakay sa motorsiklo at pinagbabaril ang biktima bago mabilis na tumakas.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang ilang basyo ng bala mula sa isang 9mm pistol. Agad namang isinugod sa pagamutan si Mujanil upang malapatan ng lunas.

Bagamat naganap ang karahasan sa gitna ng mainit na preparasyon para sa nalalapit na Setyembre 14 BARMM Parliamentary Election, nilinaw ng mga awtoridad na wala pa silang nakikitang kongkretong ebidensya sa ngayon na nag-uugnay sa insidente sa politika.

Patuloy pa rin ang masusing imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo ng pamamaril at makuha ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here