Maguindanao del Sur – Pormal nang idineploy ang 67th Infantry “Agila” Battalion sa area of responsibility ng 601st Infantry (UNIFIER) Brigade bilang bahagi ng paghahanda para sa nalalapit na Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE) 2026. Pinangunahan ni Brigadier General Gremel B. Brual PA, Commander ng 601st Brigade, ang send-off ceremony para sa mga tauhan ng batalyon bago ang kanilang pagtalaga sa mga kani-kanilang security sectors.
“Ang inyong tungkulin ay hindi lamang tungkol sa seguridad, kundi sa paglikha ng isang ligtas at mapayapang kapaligiran kung saan malayang maipapahayag ng ating mga kababayan ang kanilang karapatang bumoto. Gampanan ninyo ang inyong tungkulin nang may disiplina, integridad, at malasakit sa ating mga mamamayan,” pahayag ni BGen Brual.
Ang mga nasabing tropa ay nakatalaga na magposisyon sa iba’t ibang areas of concern sa Maguindao del Sur, partikular sa bayan ng Datu Piang, Shariff Aguak, at Ampatuan.
Ang deployment ng 67IB ay naglalayong palakasin ang seguridad sa lugar at suportahan ang maayos na pagsasagawa ng BPE 2026. Patuloy na makikipag-ugnayan ang 601st Brigade sa Philippine National Police (PNP), Commission on Elections (COMELEC), mga lokal na pamahalaan, at iba pang stakeholders upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan at matiyak ang ligtas at mapayapang pagdaraos ng halalan.






