DATU MONTAWAL, MAGUINDANAO DEL SUR — Nanganganib na malugi at mawalan ng kabuhayan ang mga magsasaka sa bayan na ito matapos maapektuhan ng matinding kakulangan sa ulan at limitadong suplay ng tubig ang malawakang taniman ng palay.
Batay sa paunang monitoring at pagtatasa ng Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR) sa Datu Montawal, nakitaan na ng tinatawag na water stress ang mga pananim bunsod ng matinding init ng panahon na nararanasan sa rehiyon.
Sa kasalukuyan, malaki ang pangamba ng mga lokal na magsasaka na kung magpapatuloy ang ganitong kondisyon ng panahon, posibleng maantala ang paglago ng mga palay, kapusin sa sustansya, at tuluyang malanta o mamatay bago man lamang dumating ang panahon ng anihan.
Bilang tugon sa banta ng krisis, patuloy ang isinasagawang assessment at pangangalap ng datos ng MAFAR upang matukoy ang eksaktong lawak ng pinsala at maipag-abot ng agarang tulong sa mga kinauukulang ahensya.
Banta ng “Super” El Niño sa Mindanao
Ang nararanasang epekto sa Datu Montawal ay alinsunod na rin sa babala ng DOST-PAGASA na kasalukuyang nakakaranas ang Tropical Pacific ng isang moderate-to-strong na El Niño.
Aura ng mga modelong pangklima, inaasahang lalo pang titindi ang naturang penomenon at may malaking tsansa na umabot sa antas na “super” El Niño sa huling bahagi ng taong ito (Oktubre-Nobyembre-Disyembre).
Dahil dito, mataas ang posibilidad ng matinding tagtuyot at mas mababa sa normal na dami ng ulan sa buong rehiyon ng Mindanao na tinatayang magtatagal hanggang sa unang hati ng taong 2027.
Kasalukuyan namang nananawagan ang mga lokal na pamahalaan at eksperto sa mga magsasaka at komunidad na maghanda at magpatupad ng mga hakbang para sa pagtitipid ng tubig upang maprotektahan ang sektor ng agrikultura laban sa paparating na matinding krisis sa klima.
(Photo Courtesy: MAFAR Datu Montawal, Maguindanao Del Sur)





