COTABATO CITY — Kabuuang mahigit 9,000 tauhan ng pulisya ang nakatakdang ipakalat ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) upang magbantay sa mga voting center sa gitna ng pagkaalarma sa 93 na naitalang hot spot areas sa buong rehiyon.
Ito ang kinumpirma ni PRO BAR Regional Director PBGen. Christopher Abecia sa isang panayam, kung saan ibinahagi niya ang pagpapatupad ng mahigpit na hakbang panseguridad para sa darating na halalan.
Batay sa datos ng kapulisan, ang 93 immediate concern areas sa buong rehiyon—kung saan 27 dito ay nasa Lanao del Sur—ay tinukoy gamit ang historical data mula sa mga nakaraang eleksyon noong 2022 at 2025.
Bagamat may mga banta, ipinagmalaki ni PBGen. Abecia na malaki ang ibinaba ng mga insidenteng may kinalaman sa eleksyon, mula sa 57 noong 2022 ay naging 30 na lamang noong 2025. Sa kasalukuyan, tanging ang ambush incident laban kay ICM Macacua sa Maguindanao del Norte ang nag-iisang validated election-related incident na naitala ngayong taon. Aniya, masusi pa nilang pinag-aaralan ang mga anggulo at nagpapatibay ng mga ebidensya laban sa mga tinututukang persons of interest bago magsampa ng pormal na kaso.
Pagdating ng Augmentation Forces at Koordinasyon sa AFP
Para mapunan ang pangangailangang seguridad sa mga sensitibong lugar, aabot sa mahigit 5,000 karagdagang tauhan o augmentation force ang darating mula sa mga karatig-rehiyon tulad ng Regions 9, 10, 11, 12, at Caraga, kasama na ang mga tropa mula sa Special Action Force (SAF). Nakatakda silang dumating sa Setyembre 8 upang direktang ideploy sa mga voting center.
Maglalagay din ang PRO BAR ng hanggang anim na tauhan sa bawat voting center depende sa antas ng banta, habang palalakasin pa ang Quick Reaction Forces katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP).
“Hopefully maging tahimik, maging mapayapa, maka-boto ang ating mga kababayan, yun naman ang ating objective,” pagtatapos ni PBGen. Abecia.





