Kidapawan City- MATAPOS ang seremonya ng kasal sa Our Lady Mediatrix of All Grace Cathedral, ang groom at ang bride ay hindi muna tumuloy sa kanilang reception. Sa halip, sumugod ang bagong kasal at ang mga abay sa fruit eat all you sa harap mismo ng simbahan.
Walang kimi-kiming nakikain ang mag asawa sa inihandang prutas para sa selebrasyon ng Timpupo Festival.
Nakihalubilo sila sa mga bisita at dumampot ng mga prutas sabay subo. Kitang kita ang galak sa mag asawa habang ninanamnam ang sarap ng mga prutas na produkto ng mga magsasaka ng Kidapawan.
Matapos makikain, tumuloy ang bagong kasal sa venue ng reception kung saan naghihintay ang kanilang mga bisita.

Tuwang tuwa naman ang mga nakasama ng mag asawa sa lamesa habang walang puknat ang pagpapakuha nila ng mga larawan.
Totoo nga ang kasabihan na ang tamis ng mga prutas sa Kidapawan ay mas lalo pang nagbubuklod sa mga mamamayan maging sa pag-iibigan ng mag asawa.
Nito lang Agosto 18, 2026, muling ginanap ang Fruit-Eat-All-You-Can sa Kidapawan bilang kulminasyon ng Timpupo Festival.
Nasa 30 tonelada lang naman ng mga ibat-ibang uri ng prutas ang ipinakain ng libre sa mga bisita kasama na ang bagong kasal.(Williamor Magbanua| City Information Office)






