SULTAN KUDARAT — Bitbit ang kanyang malawak na karanasan sa ehekutibong pamamahala bilang dating Provincial Administrator ng Maguindanao del Sur, pormal nang nanungkulan si Atty. Cyrus E. Torreña, DPA, MNSA bilang ikalimang Presidente ng Sultan Kudarat State University (SKSU). Ang kanyang paglipat mula sa lokal na pamahalaan patungo sa pamunuan ng isa sa mga pangunahing pamantasan sa rehiyon ay tinuring na isang malaking hakbang para sa mas matatag na
liderato sa sektor ng edukasyon.
Buong pusong tinanggap at binati ng buong komunidad ng SKSU si Atty. Torreña sa pagsisimula ng mahalagang yugtong ito ng kanyang paglilingkod. Ayon sa pamunuan, ang kanyang subok na galing sa administrasyon at pamamahala ay inaasahang magsisilbing matibay na pundasyon upang higit pang maisulong ang kahusayan sa edukasyon, inobasyon, at patuloy na kaunlaran ng unibersidad.
Sa kanyang pag-upo, asahan ang pagpapatupad ng mga makabuluhan at makabagong programa na magtataas pa sa antas ng serbisyo at kalidad ng pagtuturo sa mga mag-aaral. Nagpahayag din ng suporta ang buong akademya sa kanyang panunungkulan, dalangin ang gabay ng karunungan at integridad upang matagumpay na mapagtagumpayan ang misyon at bisyon ng SKSU para sa kapakanan ng kabataan at mamamayan.






