LUNGSOD NG COTABATO — Isang dalawang araw na legal awareness forum ang matagumpay na isinagawa ng Tanggapan ni Bangsamoro Transition Authority (BTA) Deputy Floor Leader MP Atty. Suharto M. Ambolodto MNSA, sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlungsod ng Cotabato, upang palakasin ang kaalaman ng komunidad sa mga batas para sa kababaihan at kabataan, pati na rin ang mga mekanismo sa pag-aayos ng alitan sa antas ng barangay.
Ginanap noong Agosto 4–5, 2026 sa Coco View Convention Management Service sa Lungsod ng Cotabato, ang forum na may temang “Legal Awareness for Community Empowerment: Understanding the VAWC Act, Prohibition of Child Marriage Act, Code of Muslim Personal Laws of the Philippines, and Katarungang Pambarangay System.” Dinaluhan ito ng mga opisyal ng barangay, Gender and Development (GAD) focal persons, at mga miyembro ng Gender and Development Focal Point System (GFPS) ng lungsod.
Nakatutok ang talakayan sa apat na pangunahing paksa:
- Code of Muslim Personal Laws of the Philippines
- Mga Batas Laban sa Karahasan sa Kababaihan at Kabataan, at Pagbabawal sa Child Marriage
- Katarungang Pambarangay System
- Karapatang Pantao at Pag-access sa Hukuman
Ibinahagi ng mga kinatawan mula sa Association of Shari’a Lady Lawyers of Cotabato and Maguindanao (ASLLACOM)—sa pangunguna nina Pangulong Anabelle V. Esmael-Zailon at Bise Presidente Satria Farah Amina L. Candao—ang ukol sa Presidential Decree No. 1083 o ang Code of Muslim Personal Laws of the Philippines, at ang kaugnayan nito sa mga pambansang batas na nagpoprotekta sa pamilya, kababaihan, at kabataan.
Pinalalim naman ni Alayza Rizza K. Salamat, Gender and Development Specialist I ng Bangsamoro Women Commission, ang pagtalakay sa Republic Act No. 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act) at Republic Act No. 11596 (Batas na nagbabawal sa maagang pag-aasawa o child marriage). Samantala, pinaliwanag ni MILG Local Governance Operations Officer II Mohammad Nur-Warith G. Basag ang tungkol sa Katarungang Pambarangay System at ang kahalagahan nito sa pagresolba ng alitan sa pamayanan.
Naging bahagi rin ang Bangsamoro Human Rights Commission sa pamamagitan nina Provincial Director Atty. Mumar Ali G. Succor, Special Investigator III Hyrette Carmi M. Garcia-Abdulgani, at Special Investigator IV Abdillah B. Alik, na nagpasimula ng talakayan tungkol sa edukasyon sa karapatang pantao at tamang paghingi ng tulong sa pamahalaan at hustisya.
Nagkaroon din ng interactive Q&A session at isang workshop kung saan Malayang naipahayag ng mga kalahok ang kanilang mga usapin at karanasan ukol sa tamang pagpapatupad ng mga nabanggit na batas.
Pormal na nagwakas ang gawain sa pamamagitan ng mga mensahe mula kina Deputy Mayor for Indigenous Peoples Noel Panalag at Cotabato City Councilor Shalimar A. Candao, habang ang pampinid na pananalita ay ibinigay ni MILG Acting City Director Edgardo C. Padolina.






