COTABATO CITY — Sa pag-usad ng sesyon sa Kongreso, agad na binigyang-pansin ni Maguindanao del Norte and Cotabato City Representative Bai Dimple Mastura ang matagal nang problema ng mga residente sa kawalan ng maaasahan at matatag na suplay ng kuryente sa kanilang lalawigan.
Sa ilalim ng kanyang inisyatiba, pormal niyang inihain ang House Bill No. 7474 na naglalayong palawakin ang prangkisa at saklaw ng serbisyo ng Cotabato Light and Power Company (Cotabato Light).
Sa pamamagitan ng panukalang batas na ito, inaasahang matutugunan na ang madalas na aberya at kawalan ng sapat na kuryente sa mga munisipalidad ng Maguindanao del Norte, upang mabigyan ang mga mamamayan ng mas maayos, de-kalidad, at abot-kayang serbisyo ng kuryente na patuloy na magpapasigla sa lokal na ekonomiya ng rehiyon.





