COTABATO CITY — Isang ganap na pangarap ang natupad para sa mga mag-aaral at mamamayan matapos pormal na ipagkaloob ang bagong Sheikh Omar Pasigan Building sa Kutawato Darussalam College, Inc., ngayong araw ng Miyerkules.
Binigyang-diin ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua sa isinagawang turnover ceremony na ang edukasyon ang pinakamatibay na pundasyon ng pag-unlad ng bawat mamamayan sa rehiyon.
Ayon kay Macacua, ang de-kalidad na edukasyon na nagtataglay ng parehong Arabic at English ay mahalagang sandigan sa paghubog ng kabataan at sa pagbuo ng matatag na kinabukasan para sa Bangsamoro.
Ipinaliwanag din ng Chief Minister na patuloy na prayoridad ng pamahalaang Bangsamoro ang pagpapaganda at pagpapalakas ng mga pasilidad ng paaralan upang mas mahikayat ang mas maraming kabataan na mag-aral at abutin ang kanilang mga pangarap.

Dagdag pa ni Macacua, hindi lamang ang Sheikh Omar Pasigan Building ang nag-iisang proyekto ng BARMM para sa sektor ng edukasyon, kundi marami pang nakalinyang programa at imprastraktura na naglalayong lalo pang magpatibay sa kalidad ng pagtuturo sa rehiyon.
Ang bagong dalawang palapag na gusali ay inaasahang magbibigay ng mas maayos, moderno, at komportableng kapaligiran sa pag-aaral para sa mga estudyante ng Kutawato Darussalam College, Inc., bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng BARMM na mapabuti ang access at kalidad ng edukasyon sa buong Bangsamoro.
Lubos ang pasasalamat ng nagpapatakbo ng paaralan at mga makakabenepisyong mag aaral ng Bangsamoro region.






