MANILA— Nakiisa si Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Interim Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua sa ginanap na EDCOM 2 Exhibit Launch at sa opisyal na paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagtatatag ng Bangsamoro Education Coordination Forum (BECF).
Dumalo sa nasabing makasaysayang kaganapan sina Senate President Win Gatchalian, Senator Bam Aquino, Senator Joel Villanueva, Congressman Roman Romulo, Congressman Zia Alonto Adiong, Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara, at iba pang pambansang katuwang sa sektor ng edukasyon.
Ayon sa pahayag ni Interim Chief Minister Macacua, ang mga natuklasan ng EDCOM 2 ay nagsisilbing paalala na ang pagpapabuti ng edukasyon ay nangangailangan ng matatapang na reporma, mas matatag na mga institusyon, at mas malalim na kooperasyon. “Sa Bangsamoro, umaaksyon tayo. Sa pamamagitan ng BECF, pinagsasama-sama natin ang mga kawanihan ng BARMM at ang mga pambansang ahensya ng edukasyon sa ilalim ng iisang plataporma upang ipantay ang mga patakaran, tugunan ang mga matagal nang hamon, at tiyakin na bawat mag-aaral na Bangsamoro ay nakatatanggap ng de-kalidad na edukasyong nararapat para sa kanila,” diin ni Macacua. Inihayag din ng pinuno ng BARMM na ang pakikipagtulungang ito ay lalong nagpapatibay sa commitment ng pamahalaan para sa #MasMatatagNaBangsamoro—kung saan nagkakaisa ang pamahalaan, empowered ang mga institusyon, sinusuportahan ang mga guro, at nabibigyan ang bawat batang Bangsamoro ng pagkakataong matuto, lumago, at magtagumpay.
Binigyang-diin pa ni Macacua na ang edukasyon ay isang nakatalaang responsibilidad ng lahat, at sa sama-samang pagkilos ay bumubuo ang rehiyon ng mas matibay na pundasyon para sa kinabukasan ng Bangsamoro.






