Ipinadala na ng 10th Infantry Division ang buong 28th Infantry Battalion sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) upang tumulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa darating na kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections.
Ang naturang pwersa, sa pamumuno ni Battalion Commander Lt. Col. Elben Naval, ay ilalagay sa ilalim ng area of operation ng 6th Infantry Division. Nakatakda silang italaga sa mga lalawigan ng Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, at posibleng pati sa Lanao del Sur.
Bago ang deployment, sumailalim muna ang batalyon sa Battalion Evaluation and Certification Program upang tiyakin ang kanilang operational readiness at mission capability.
Pinangunahan mismo ni Major General Alvin Luzon, Commander ng 10th ID, ang ginanap na Send-Off Ceremony sa temporary headquarters ng yunit sa Sitio Estremos, Barangay Poblacion, Magpet, Cotabato.
Sa kaniyang mensahe, ipinaalala ni Maj. Gen. Luzon ang mabigat ngunit marangal na tungkulin ng militar. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagiging propesyunal at politically non-partisan upang matiyak na makakaboto nang malaya, maayos, at ligtas ang bawat mamamayan sa rehiyon.
Ayon naman kay 6th ID Spokesperson Lt. Col. Ronald Suscano, bukod sa 10th ID ay inaasahan din ang pagdating ng isa pang batalyon mula sa 1st Infantry Division na nakabase sa Zamboanga.
Sa kabuuan, papalo sa mahigit 1,000 karagdagang sundalo mula sa dalawang dibisyon ang magsisilbing augmenting force ng 6th ID para sa makasaysayang halalan ngayong Setyembre.






