COTABATO CITY — Ibinunyag sa isang kamakailang Oversight Hearing Briefer ang iba’t ibang umano’y mabibigat na isyu tulad ng iregularidad, paglabag sa alituntunin sa pananalapi, at mga kwestiyonableng desisyon sa pamumuno sa loob ng Ministry of Trade, Investments and Tourism.
Kabilang dito ang sobrang baba na paggastos ng ahensya. Lumalabas na maliit na bahagi lamang ng hiniling na recalibrated budget ang nagastos, na hindi man lang umabot sa isang porsyento ng kabuuang pondo 864 Milyon na pondo. Kabilang sa mga naantalang aktibidad at hindi naipatupad nang maayos ay ang mga pagtitipon at oryentasyon, pagsubaybay sa presyo at suplay, mga tulong para sa BNR, at mga roadshow events.
Kinuwestiyon din ang madalas ng biyahe ng pinuno ng ahensya sa loob lamang ng ilang buwan ng panunungkulan ng Ministro. Simula umano noong nakaraang taon, lumalabas na umabot sa mahigit kalahati ng kanyang kabuuang termino ang ginugol sa pagbiyahe.
Sagot naman ng Ministro ng MTIT-BARMM Farserina Mohammad ito ay dahil sa kanyang mga functions kabilang na ang Halal engagements, tourism at iba pa.
Umabot naman sa halos 5.7 milyong piso ng pondo ang nagastos para sa mga biyaheng ito.
Isyu rin ang pagtatayo ng Ministro ng isang Program-Project Management Office na pinamumunuan ng Ministro mismo, habang ang kanyang Chief of Staff naman ang itinalagang Program Manager bilang estratehiyang pampulitika.
Sa hearing, ipinahayag na ayon sa Bangsamoro Administrative Code, tanging ang Chief Minister lamang ang may kapangyarihang magreorganisa ng mga opisina at ministeryo sa loob ng Executive Department.
Dahil dito, ang paglikha at paglilipat ng mga tungkulin sa nasabing opisina ay itinuturing na labag sa batas.
Kontrobersyal din ang naging hakbang sa recruitment board. Sumasalungat umano ito sa mga alituntunin na nagtatakda na ang pinakamataas na opisyal na namamahala sa human resource o ang awtorisadong kinatawan nito ang dapat manguna sa mga nasabing posisyon, habang sa managerial levels naman ay mga opisyal na may katumbas na posisyon sa gobyerno ang nararapat mamuno.
Inihayag din sa huling bahagi ng Audit Report ang mga hindi pa na-liquidate na disbursement ng ahensya na nagdaragdag sa mga katanungan hinggil sa transparency at pananagutan sa pananalapi.
Sinabi ni Committee Chair Kitem Kadatuan Jr. na ang pagsusuring ito ay bahagi ng patuloy na pangangasiwa ng Parliyamento upang matiyak na ang mga pampublikong pondo ay mahusay na pinamamahalaan at inilalaan sa mga programang lumilikha ng trabaho, umaakit ng mga pamumuhunan, at nagpapalakas sa ekonomiya ng rehiyon. Sa naturang pagdinig, naglahad ang MTIT ng mga ulat tungkol sa mga pangunahing programa nito na sumasaklaw sa pagpapaunlad ng kalakalan at industriya, pagtataguyod ng turismo, pagpapadali ng pamumuhunan, pagpapaunlad ng ecozone, at mga serbisyo sa freeport ecozone.
Para sa taong 2026, nakatanggap ang MTIT ng alokasyon na nagkakahalaga ng P864 milyon. Mula sa kabuuang badyet na ito, P512 milyon ang inilaan sa limang pangunahing programa ng ministeryo para sa pagpapatupad ng kani-kanilang mga proyekto. Iniulat din ng ministeryo ang mga kasalukuyang pagsisikap nito upang mapabilis ang implementasyon ng mga programa sa ilalim ng tanggapan.
Ayon kay Committee Vice Chair Naguib Sinarimbo, ang pagdinig ay nagbigay ng pagkakataon upang matukoy ang mga bahaging nangangailangan ng pagpapabuti at upang mapalakas ang mga estratehiya para sa napapanahong paghahatid ng mga programa. Inirekomenda ng mga mambabatas ang pagpapasimple sa mga proseso, pag-aangkop sa mga target ng programa, pagpapalawak ng suporta sa mga maliliit na negosyante, at pagpapalakas ng koordinasyon sa pagitan ng MTIT at mga lokal na pamahalaan upang mapalaki ang epekto ng mga hakbanging pang-ekonomiya.
Ang MTIT ang pangunahing ahensya ng gobyerno ng Bangsamoro na responsable sa pagpapatupad ng mga patakaran, programa, at proyekto sa kalakalan, pamumuhunan, at turismo. Mandato nitong isulong ang industriyalisasyon, hikayatin ang pakikilahok ng pribadong sektor, at palawakin ang kalakalan upang makatulong sa pagpapagana ng napapanatiling kaunlarang pang-ekonomiya sa rehiyon.






