LAMITAN CITY, Basilan — Nagsagawa ng voter’s education campaign ang United Bangsamoro Justice Party (UBJP) sa lungsod na ito bilang bahagi ng kanilang masinsing paghahanda para sa nalalapit na kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections.
Pangunahing tinalakay sa naturang aktibidad ang tamang proseso ng pagboto, ang kahalagahan ng aktibong pakikilahok ng bawat mamamayan sa demokrasya, at ang mga pangunahing plataporma’t adhikain ng partido para sa rehiyon.
Dinaluhan ang naturang oryentasyon ng mga lokal na lider, kinatawan ng iba’t ibang sektor, at mga miyembro ng komunidad mula sa iba’t ibang barangay sa Lamitan City.
Binigyang-diin ng UBJP na layunin ng programa na armasan ng sapat na kaalaman at gabay ang mga botante sa lalawigan upang makabuo ng matalinong pagpapasya sa pagpili ng mga susunod na mamumuno sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).






