Dagdag na ₱20-M pinansya na tulong para sa mga biktima ng Lindol sa South Cotabato, Ibinuhos ng Malacañang

Undersecretary Athalia B. Leong

SOUTH COTABATO — Naglaan ang pamahalaang nasyunal ng karagdagang ₱20 milyong pinansyal na tulong para sa rehabilitasyon ng mga komunidad na napinsala ng lindol sa lalawigang ito.

Inanunsyo ang naturang komitment noong nakaraang araw, Hulyo 18, ng Office of the Special Assistant to the President (OSAP) sa gitna ng selebrasyon ng ika-60 anibersaryo ng pagkakatatag ng probinsya, na natapat naman sa huling araw ng ika-27 T’nalak Festival.

Ayon kay Undersecretary Athalia B. Leong, na siyang kumatawan kay Sec. Anton Lagdameo sa seremonya, naging matagumpay ang pagtutulungan nina South Cotabato Gov. Reynaldo Tamayo, House Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez, at ng OSAP upang makuha ang karagdagang pondo mula kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. para sa tulong sa mga biktima ng lindol.

Binigyang-diin ni Leong na ang dagdag-tulong na ito ay patunay ng walang-humpay na suporta ng administrasyong Marcos sa mga lokal na pamahalaan at mga komunidad na bumabangon mula sa hagupit ng mga kalamidad.

“Magdadagdag po ng ₱20 million na karagdagang tulong ang pamahalaan nasyunal para sa mga nasalanta ng lindol sa probinsya,” pahayag ni Leong.
Aniya, itinuturing ng OSAP ang South Cotabato bilang isang mahalagang katuwang sa pagpapatibay ng mga komunidad at pagpapabuti ng serbisyo publiko. Pinuri rin niya ang lokal na pamahalaan sa pagkakaisa at kooperasyon nito na maaari umanong magsilbing halimbawa sa iba pang lokal na pamahalaan.

Nakisabay ang anunsyong ito sa pagdiriwang ng probinsya ng kanilang Foundation Anniversary at ng taunang T’nalak Festival, isang kapistahan na nagtatampok sa mayamang kultura at pagkakakilanlan ng South Cotabato.

Dumalo rin sa pagtitipon si Bangsamoro Interim Chief Minister Abdulraof Macacua, na nagpaalala sa kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan sa buong Mindanao.
Ayon kay Macacua, ang telang T’nalak ay sumisimbolo sa pagkakaisa sa gitna ng pagkakaiba-iba ng South Cotabato. Ang mga hinabing hibla nito ay kumakatawan sa kolektibong lakas na nais din umanong itatag ng Bangsamoro sa buong rehiyon.

“Ito rin ang kuwento ng South Cotabato, ang kuwento na hinahangad nating isulat sa buong Mindanao,” wika ni Macacua.

Umasa rin siya na patuloy na magiging matibay ang ugnayan at samahan ng South Cotabato at ng Bangsamoro para sa mga susunod pang henerasyon.
Ang karagdagang ₱20 milyong tulong na ito ay nagbibigay ng bagong pag-asa sa mga komunidad na kasalukuyang bumabangon mula sa epekto ng mga nakaraang lindol at iba pang kalamidad sa lalawigan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here