COTABATO CITY – Mainit na sinalubong ni BARMM Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua sina Hon. A. T. M. Azharul Islam, kasalukuyang Member of Parliament ng Bangladesh, at Hon. A. H. M. Hamidur Rahman Azad, isang dating mambabatas, sa kanyang tanggapan nitong linggo.
Binigyang-diin ni Chief Minister Macacua ang kahalagahan ng lumalalim na ugnayan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa ibang bansa matapos niyang tanggapin ang courtesy visit ng mga delegado mula sa People’s Republic of Bangladesh.
Ayon sa Chief Minister, ang nasabing pagbisita ay isang malinaw na indikasyon ng lumalagong pagkakaibigan sa pagitan ng Bangladesh at ng Bangsamoro.
“I welcome the courtesy visit of Hon. A. T. M. Azharul Islam, Member of Parliament of the People’s Republic of Bangladesh, and Hon. A. H. M. Hamidur Rahman Azad, former Member of Parliament,” pahayag ni Macacua.
Sinabi pa ni Macacua na nagsilbi itong mahalagang oportunidad upang makipagpalitan ng pananaw sa mga usaping may kinalaman sa kapakanan ng magkabilang panig, partikular na ang pagtuklas ng mga potensyal na larangan para sa hinaharap na kooperasyon.
“Our meeting reflects the growing friendship between Bangladesh and the Bangsamoro and provides an opportunity to exchange views on matters of mutual interest and explore areas for future cooperation,” dagdag pa ng lider ng BARMM.
Naniniwala si Macacua na ang mga ganitong uri ng ugnayan ay kritikal sa pag-unlad ng rehiyon. Tiniyak niya ang kanyang suporta sa anumang inisyatibo na makapagbibigay ng benepisyo sa mga mamamayan ng Bangsamoro.
“I appreciate their visit and look forward to building a stronger partnership that creates meaningful opportunities for our people as we continue advancing a #MasMatatagNaBangsamoro,” pagtatapos ni Macacua.
Ang nasabing pagbisita ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng administrasyong Macacua na palawakin ang ugnayang panlabas ng Bangsamoro upang maisulong ang mas inklusibo at mas matatag na pagbangon ng rehiyon.






