COTABATO CITY – Isang indibidwal na responsable umano sa pagpapakalat ng mga mapanirang komento at character assassination laban kay Chief Minister Abdulraof A. Macacua ang direktang kinausap ni MILG Minister Jordan Bayam upang papaliwanagin sa kanyang nagawa.
Kinumpirma ni Minister Bayam na kanyang hinarap ang nasabing kabataan matapos matukoy na ito ang nasa likod ng mga negatibong post sa social media. Layunin ng hakbang na ito na beripikahin ang motibo sa likod ng malisyosong pag-atake sa karakter ng Chief Minister.
Aminado ang nasabing indibidwal sa kanyang pagkakamali at humingi ng kapatawaran sa kanyang ginawang pagpapakalat ng maling impormasyon at paninirang-puri.
Sa gitna ng pag-uusap, pinaalalahanan ni Minister Bayam ang lalaki na ang paggamit ng social media para sa character assassination ay malayo sa mga aral na kanyang pinag-aaralan.
“Sa Islam, ang tunay na Muslim ay hindi nananakit ng kapwa sa pamamagitan ng kanyang mga kamay o dila,” pagpapaalala ni Minister Bayam sa kabataan.
Binigyang-diin ng Minister na bagama’t hindi pa sila personal na nagkikita ng Chief Minister, kinakailangan ang sinserong paghingi ng tawad para sa pinsalang idinulot ng mga mapanirang pahayag. Ipinangako ni Minister Bayam na ipapaabot niya ang pagsisisi ng kabataan kay CM Macacua.
Matapos iparating ni Minister Bayam ang buong detalye ng insidente sa opisina ng Chief Minister, nanatiling kalmado at mapagpatawad ang tugon ni CM Macacua. Sa kabila ng ginawang paninira sa kanyang pagkatao, ang naging mensahe lamang ng Chief Minister ay:“Ang mabuting tao ay mapagpasensya.”
Ang insidenteng ito ay nagsisilbing babala sa publiko laban sa pagpapakalat ng mapanirang impormasyon na naglalayong sirain ang reputasyon ng sinuman, anuman ang kanilang posisyon sa lipunan.






