COTABATO CITY – Mainit na tinanggap ni Bangsamoro Interim Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua sa kanyang opisina sa Cotabato City si Mayor Al Shalid A. Salih ng Munisipalidad ng Tandubas, Tawi-Tawi, sa isang courtesy call na ginanap sa kanyang tanggapan ngayong araw.
Ang pagbisita ay nagsilbing plataporma upang talakayin ang mga prayoridad na programa para sa pag-unlad ng Tandubas at palakasin ang kolaborasyon sa pagitan ng Bangsamoro Government at ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Chief Minister Macacua, ang kahalagahan ng pagkakaisa upang mas mapabuti ang serbisyo sa mga mamamayan sa malalayong lugar.
“Ang ating pagtutulungan sa mga lokal na lider ay pundasyon ng ating misyon. Sa pamamagitan ng pag-uugnay ng ating mga plano at prayoridad, mas masisiguro natin na ang bawat serbisyo ay makakarating nang mabilis at epektibo sa ating mga kababayan sa Tandubas at sa buong Tawi-Tawi. Ito ang esensya ng ating pagbuo sa isang #MasMatatagNaBangsamoro,” ani Chief Minister Macacua.
Layunin ng nasabing pagpupulong na masiguro ang maayos na koordinasyon sa mga proyektong pangkaunlaran na magbibigay ng pangmatagalang benepisyo sa mga residente ng Tandubas.
Nagpahayag naman ng lubos na suporta si Mayor Salih sa mga inisyatibo ng Bangsamoro Government, at nanindigang ang ugnayang ito ang magsisilbing susi upang mas mapatatag ang pamamahala at mapabilis ang pag-usad ng kanilang munisipalidad.





