COTABATO CITY – Nagsagawa ng masayang “Barangayan” o pakikipag-kumustahan si Member of the Parliament (MP) Atty. Naguib Sinarimbo sa Barangay Rosary Heights Mother ngayong umaga bilang bahagi ng kanyang regular na pagbisita sa mga komunidad sa kanyang distrito.
Kasama ni MP Sinarimbo sa nasabing aktibidad si MP Romeo K. Sema at iba pang mga staff mula sa kanyang opisina, kung saan mainit silang tinanggap ni Kapitan Lili Ayunan Pasawiran at ng mga opisyal ng naturang barangay.
Pagpapalakas ng Ugnayan at Serbisyo
Ayon kay MP Sinarimbo, ginamit niya ang pagkakataon upang pakinggan ang mga hinaing at mga pangangailangan ng mga residente sa nasabing barangay. Bukod dito, ipinaliwanag din ng mambabatas ang sistemang parlyamentaryo at ang mga paghahanda para sa kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Bilang bahagi ng kanyang programa, nagbahagi rin si Sinarimbo ng tulong na bigas para sa mga lubos na nangangailangan sa komunidad.
Tugon sa Problema sa Basura
Sa nasabi ring pagkakataon, pormal na ipinagkaloob ni MP Sinarimbo ang mga hiling na motorsikong may sidecar (tricycle) para sa mga barangay ng Bagua Mother at Bagua III.
Ito ay tugon ng kanyang opisina sa idinulog na problema ng mga opisyal ng mga nabanggit na barangay noong nakaraang kumustahan. Ang mga sasakyang ito ay gagamitin ng mga barangay para sa mas epektibong pangongolekta ng basura, lalo na sa mga maliliit na looban o eskinita kung saan hindi nakakapasok ang mga malalaking trak ng basura.
“Ibinigay na rin natin ang hiling nilang mga motorsikong may sidecar na gagamitin nila sa pagkolekta ng mga basura sa looban ng kanilang mga barangays,” pahayag ni MP Sinarimbo.





