SGA, BARMM -Naghatid ng relief assistance ang Bangsamoro Rapid Emergency Action on Disaster Incidence (READi) ng Ministry of the Interior and Local Government sa mga pamilyang naapektuhan ng armed conflict sa mga bayan ng Nabalawag at Tugunan, Special Geographic Area (SGA), BARMM. Ang nasabing relief operations ay matagumpay na naisagawa kasama ang mga kawani ng Philippine Red Cross at Local Government Units ng dalawang bayan.
Sa bayan ng Nabalawag, naapektuhan ang mga komunidad sa Barangay Olandang, Kadigasan, Kadingilan, at Nabalawag. Umabot sa mahigit kumulang 3,600 na pamilya ang naitalang apektado.
Samantala, sa bayan naman ng Tugunan, naitala ang 6,249 apektadong pamilya, sa naganap na armed conflict noong ika-19 ng Setyembre 2026.
Bilang tugon, isinagawa ng Bangsamoro READi ang relief operations sa dalawang munisipalidad upang matugunan ang agarang pangangailangan ng mga pamilyang naapektuhan ng kaguluhan.
Patuloy din ang koordinasyon ng Bangsamoro READi sa mga MDRRMO, lokal na pamahalaan, barangay officials, security forces, health personnel, at iba pang concerned agencies para sa monitoring, validation ng mga apektadong pamilya, at pagtukoy sa kanilang mga pangangailangan.
Sa gitna ng hamon, patuloy na nakikiisa ang Bangsamoro READi sa mga lokal na pamahalaan, ayon na rin sa direktiba ni Chief Minister Abdulraof Macacua na syang Chairman din ng Bangsamoro DRRM Council, na maghatid ng kinakailangang suporta sa mga apektadong komunidad.






