Matagumpay na law enforcement operation ng kapulisan sa Tugunan, SGA-BARMM sinuportahan ng AFP

CAMP SIONGCO, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte — Nagsagawa ang Philippine National Police (PNP), katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at lokal na pamahalaan, ng law enforcement operation sa Barangay Balong, Tugunan, Special Geographic Area (SGA), BARMM, noong Setyembre 19, 2026, upang ipatupad ang warrant of arrest laban sa isang indibidwal na nahaharap sa kasong carnapping with homicide.

Pinangunahan ito ng Maguindanao del Norte Police Provincial Office (PPO) at Tugunan Municipal Police Station (MPS), sa suporta ng 602nd Infantry (LIBERATOR) Brigade, 40th Infantry Battalion, 7th Infantry Battalion, CAT99, 61st Division Reconnaissance Company, Tactical Operations Group 12, Philippine Air Force, at Task Force 92, 1st Brigade Combat Team, Philippine Army.

Habang papalapit ang mga operatiba sa kinaroroonan ng subject ng warrant, pinaputukan umano sila ng target at mga kasama nito, na nagresulta sa palitan ng putok at pagkasawi ng anim na armadong indibidwal.

Narekober sa lugar ang limang matataas na kalibre ng baril kabilang ang apat na M16 rifles at isang Garand rifle.

Nakatulong sa pagtukoy sa kinaroroonan ng grupo ang impormasyong ibinahagi ng mga residente kaugnay ng mga iniulat na insidente at pang-aabusong iniuugnay sa naturang grupo.

Dahil sa insidente, humigit-kumulang 350 residente ang pansamantalang lumikas at nananatili sa dalawang evacuation centers. Patuloy ang koordinasyon ng mga kinauukulang ahensya at lokal na pamahalaan upang matiyak ang kanilang kaligtasan at matugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.

Nagpahayag naman ng suporta at pasasalamat si Tugunan Mayor Abdullah P. Abas sa isinagawang operasyon. Ayon sa mga lokal na opisyal at ilang residente, makatutulong ito sa pagtugon sa mga ilegal na aktibidad na iniuugnay sa grupo ni Zoren, kabilang ang motornapping, cattle rustling, at iligal na kalakalan ng droga.

Samantala, nagpasalamat din si Col. Romeo N. Bautista III, Acting Commander ng 602nd Infantry Brigade, sa pakikipagtulungan ng LGU Tugunan, PNP, at mga residente sa naturang operasyon.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang 602nd Infantry (LIBERATOR) Brigade, 6th Infantry Division, Philippine Army, sa mga lokal na awtoridad at concerned agencies upang mapanatili ang seguridad at kaayusan sa Tugunan, gayundin ang kaligtasan at kapakanan ng mga residenteng naapektuhan ng insidente.

Pinuri naman ni Brig. Gen. Ricky P. Bunayog, Acting Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, ang mga kasundaluhan, kapulisan, lokal na pamahalaan, at mga mamamayan sa kanilang katapangan, pakikipagtulungan, at dedikasyon sa pagpapanatili ng seguridad at kapayapaan sa komunidad.

Ang matagumpay na operasyon ay nagpapakita ng kahalagahan ng mahigpit na koordinasyon at pagkakaisa ng AFP, PNP, LGU, at mamamayan. Ang seguridad ng komunidad ay isang sama-samang responsibilidad, at ang pagkakaisa ng pamahalaan at mamamayan ang ating pinakamahalagang lakas.

Patuloy naming susuportahan ang mga lehitimong law enforcement efforts at titiyaking mananatiling pangunahing prayoridad ang kapakanan at kaligtasan ng ating mga mamamayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here