MATALAM, Cotabato — Pitong uri ng orchid ang naitala sa kabundukan ng Magpet, Cotabato mula sa isang aktibidad ng pag- momonitor ng biodiversity o samu’t saring buhay na isinagawa ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng Matalam — partikular ng Wildlife Resource and Conservation Unit (WRCU) team — noong Agosto 4 hanggang 6, 2026.
Lima sa mga naitalang orchid ay endemiko sa Pilipinas, kabilang ang 𝑫𝒆𝒏𝒅𝒓𝒐𝒃𝒊𝒖𝒎 𝒕𝒓𝒆𝒂𝒄𝒉𝒆𝒓𝒊𝒂𝒏𝒖𝒎, 𝑫𝒆𝒏𝒅𝒓𝒐𝒃𝒊𝒖𝒎 𝒓𝒉𝒐𝒎𝒃𝒆𝒖𝒎, 𝑷𝒉𝒂𝒍𝒂𝒆𝒏𝒐𝒑𝒔𝒊𝒔 𝒔𝒑., 𝑹𝒐𝒃𝒊𝒒𝒖𝒆𝒕𝒊𝒂 𝒄𝒇. 𝒎𝒊𝒄𝒓𝒂𝒎𝒑𝒉𝒐𝒓𝒂, at 𝑺𝒕𝒊𝒄𝒉𝒐𝒓𝒌𝒊𝒔 𝒔𝒑. Ilan sa mga naitalang uri ay nanganganib din; ang 𝑹𝒐𝒃𝒊𝒒𝒖𝒆𝒕𝒊𝒂 𝒄𝒇. 𝒎𝒊𝒄𝒓𝒂𝒎𝒑𝒉𝒐𝒓𝒂, 𝑫𝒆𝒏𝒅𝒓𝒐𝒃𝒊𝒖𝒎 𝒓𝒉𝒐𝒎𝒃𝒆𝒖𝒎, 𝑷𝒉𝒂𝒍𝒂𝒆𝒏𝒐𝒑𝒔𝒊𝒔 𝒔𝒑., at 𝑩𝒍𝒆𝒑𝒉𝒂𝒓𝒐𝒈𝒍𝒐𝒔𝒔𝒖𝒎 𝒄𝒇. 𝒄𝒐𝒏𝒅𝒚𝒍𝒐𝒃𝒖𝒍𝒃𝒐𝒏 ay inuri bilang Endangered (EN) sa ilalim ng DENR Administrative Order No. 2026-20, habang ang 𝑫𝒆𝒏𝒅𝒓𝒐𝒃𝒊𝒖𝒎 𝒕𝒓𝒆𝒂𝒄𝒉𝒆𝒓𝒊𝒂𝒏𝒖𝒎 ay nakalista bilang Vulnerable (VU). Bukod pa rito, ang 𝑩𝒖𝒍𝒃𝒐𝒑𝒉𝒚𝒍𝒍𝒖𝒎 𝒄𝒇. 𝒂𝒑𝒐𝒅𝒖𝒎 𝑯𝒐𝒐𝒌.𝒇. ay ikinategorya bilang Endangered (EN) sa IUCN Red List of Threatened Species.






Natagpuan ang mga orchid na tumutubo kapwa sa mga kagubatang may bukas na canopy o kulandong at sa mga lugar na malilim at nababalutan ng lumot. Ang presensya ng mga ito ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagpapanatili ng malulusog na kagubatan sa kabundukan, na nagsisilbing espesyal na tirahan para sa mga uri ng halaman na nabubuhay lamang sa mga partikular na taas at kondisyon ng kapaligiran.
Ito rin ay nagbibigay ng mahalagang impormasyon tungkol sa heograpikal na distribusyon ng mga uring ito para sa mga mananaliksik at mga database ng samu’t saring buhay.
Higit pa sa kanilang kagandahan, ang mga orchid ay nagsisilbing indikasyon ng kalusugan at pagkakaiba-iba ng mga forest ecosystem, kaya naman ang pangangalaga sa mga ito ay mahalagang bahagi ng pagpreserba sa likas na yaman at pamana ng Cotabato.
Tinukoy ang mga uri ng orchid ng botanist na si Aaron Froilan M. Raganas ng University of the Philippines-Mindanao, na nagdagdag ng siyentipikong halaga sa pagsisikap na subaybayan ang biodiversity. Pinatitibay ng mga natuklasan ang pangangailangan para sa patuloy na pangangalaga sa kagubatan at konserbasyon ng biodiversity upang matiyak na patuloy na mabubuhay at lalago ang mga bihirang uri ng orchid na ito. #(𝑴𝒖𝒍𝒂 𝒔𝒂 𝒖𝒍𝒂𝒕 𝒂𝒕 𝒎𝒈𝒂 𝒌𝒖𝒉𝒂𝒏𝒈 𝒓𝒆𝒕𝒓𝒂𝒕𝒐 𝒏𝒈 𝒏𝒊 𝑰𝑴𝑪𝒊𝒏𝒄𝒐𝒏𝒊𝒆𝒈𝒖𝒆, 𝑪𝑬𝑵𝑹𝑶 𝑴𝒂𝒕𝒂𝒍𝒂𝒎, 𝑰𝒏𝒇𝒐𝒓𝒎𝒂𝒕𝒊𝒐𝒏 𝑶𝒇𝒇𝒊𝒄𝒆𝒓 𝑫𝒆𝒔𝒊𝒈𝒏𝒂𝒕𝒆) I RSCIGK






