Pormal nang nagbukas sa bayan ng Banisilan, Cotabato nitong ika-27 ng Hulyo, 2026 ang limang araw na 6th Gov. Lala Simulation Exercise (SIMEX) on Mass Casualty Incident for Vehicular Crash, Earthquake, Landslides, and Flooding Incident.
Ang aktibidad, na nilahukan ng mga 1st responder mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan na pinangunahan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), ay nagbigay ng pagkakataon sa mga lokal na pamahalaan na maipakita sa pamamagitan ng kompetisyon ang galing, husay at kahandaan ng kanilang abanteros/responders sa rescue at emergency response skills kabilang na ang emergency transfer, victim management, transport and endorsement, hailing, swift water/river crossing, map reading and land navigation, low angle rescue, at triaging.
Umaasa naman si Gov. Emmylou “Lala’ Taliño-Mendoza, na sa pamamagitan ng SIMEX ay mas lalo pang mapaigting ang kakayahan, koordinasyon at kahandaan ng mga unang taga responde sa mga komunidad at magsisilbi ring pagsasanay upang mas lalo pang mapahusay ang kasanayan ng mga nabanggit na partisipante.












