Koleksiyon sa bayarin sa Amusement Tax, mas paiigtingin ng Cotabato Province

Photo: IDCD Cotabato Province

Isinusulong ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng matatag na liderato ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza ang wastong pamamahala sa kaban ng lalawigan alinsunod sa kaukulang mga batas at polisiya ng gobyerno, kung saan bahagi nito ay ang episyenteng pangongolekta ng buwis o tax, gayundin ang iba pang bayarin na siyang pinagkukunan ng pondo upang maihatid ang mga serbisyong panlipunan at maipatupad ang marami pang programa at proyekto para sa kapakanan ng mga Cotabateño.

Kabilang dito ang Amusement Tax na ipinapataw sa mga negosyong nagbibigay ng libangan tulad ng teatro, sinehan, sabungan, concert hall at marami pang iba. Upang mapaigting ang koleksyon nito, inorganisa ng tanggapan ni Provincial Treasurer Gail V. Ontal nitong Hulyo 24, 2026 ang “Coordinative Meeting on the Implementation and Collection of Amusement Tax Pursuant to Article VIII of the Revised Revenue Code of the Province of Cotabato.” Dito, tinalakay ang iba’t ibang hakbang upang maitaguyod ang inter-agency coordination at mahikayat ang mahigpit na pagtalima ng mga cockpit operators sa mga probisyong nakapaloob sa nabanggit na batas na umiiral sa bansa.

Naging parte rin ng diskusyon kasunod ng masusing pagpapaliwanag ng naturang revised code at ng mga tungkulin ng mga kaukulang ahensya at ng compliance requirements ay ang pagtukoy ng mga estratehiya upang mapahusay ang monitoring procedures, enforcement mechanisms at revenue collection. Isinagawa rin ang isang open forum kasama sina Committee Chairperson on Appropriations and Ways and Means Board Member Joemar S. Cerebo, Cotabato Police Provincial Office (CPPO) Acting Provincial Director PCOL Ramel B. Hojilla, mga Chief of Police at iba pang Philippine National Police (PNP) personnel upang mabigyang linaw ang ilang usapin at mapakinggan ang mga mungkahi nang masiguro na matatamo ang naturang hangarin. (IDCD Cotabato Province)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here